Umabot na sa 400 cities at municipalities sa buong bansa ang natanggap nitong Miyerkules, Enero 17, ng mga PI form na nagsusulong ng pagbabago sa 1987 Constitution sa ilalim ng people’s initiative, sabi ng Commision on Elections (Comelec).
“Actually po hindi lang po sa Mandaue…Ngayong araw na ito, apat na daan na siyudad at munisipyo sa buong bansa ang nakatanggap na ng mga signature forms at signature pages,” ayon kay Comelec Chairman George Garcia.
Aniya, kasalukuyang sinusubukan ng Comelec na i-classify ang mga isinumiteng form ayon sa distrito.
“Dahil premature po at this point eh, [kung ‘yan] ay kabilang sa isang distrito o ilang distrito,” sabi pa ni Garcia. “Iyan po ay inaalam pa po namin ngayon.”
Sinabi ni Garcia na nakatanggap sila ng mga lagda mula sa Cordillera sa hilaga hanggang sa Bangsamoro sa south.
Matapos matanggap ang mga petisyon, ibe-verify ng lokal na Comelec ang kasapatan sa “form and substance” at kung ang bawat pirma ay kwalipikadong mabilang bilang isang boto, dagdag ni Garcia. Magbibigay ng sertipikasyon ang Comelec sa proponent at isusumite ito sa Clerk of Court, na maglalabas ng rekomendasyon sa Comelec en banc.
“Pag-uusapan ng en banc kung i-adopt or reject ang recommendation ng clerk of court,” dagdag ni Garcia.