Umapela si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspindihin ang pagtaas ng premium ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) mula sa 4 na porsiyento na naging 5 porsiyento ngayong taon.
“If ever the president will agree, my recommendation is to start from where we stopped, not the current 5%,” he said in a media briefing. “It’s the logical way to lift the suspension. We don’t jump very high kasi kawawa ang mga tao,” ayon kay DOH secretary Ted Herbosa.
Inihayag ni Herbosa na dapat itong itigil upang maiwasan maging pabigat sa mga Pilipino sa gitna ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kung kinakailangan ang pagtaas, iminungkahi niya na dapat lamang itong dagdagan ng 0.5 porsiyento kada taon o sa 4.5 porsiyento sa 2024.
Bukod sa kanyang rekomendasyon sa pangulo, sinabi ni Herbosa na tatalakayin niya ang kanyang panukala sa mga miyembro ng PhilHealth board ngayon Miyerkules, Enero 17 ng hapon.
Dapat ay tataas ang premium rate mula 4 porsiyento hanggang 4.5 porsiyento noong 2023 alinsunod sa Universal Healthcare Law, ngunit ipinag-utos ni Marcos na suspindihin ang pagtaas dahil binanggit niya ang patuloy na hamon sa ekonomiya na kinakaharap ng mga Pilipino, kabilang ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.