Sa panayam ng DZBB ngayong Martes, Enero 16, inamin ni Sen. Imee Marcos na “dinededma” siya ng pinsang si House Speaker Martin Romualdez nang sabihan niya itong “huwag awayin” ang pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Okay naman kami, masaya naman si Speaker, at kasama-sama ko naman ‘yan, pinsan ko nga. Eh kaso nung bandang October, alam ko na nagtampo sa ‘kin, kasi dinededma na rin ako… Dahil nga, maliwanag na sinasabi ko, ‘Wag nating awayin ‘yung mga Duterte,’” ani Sen. Imee Marcos.
“Sabi ko, ‘ba’t natin inaaway ‘yung mga Duterte? Matatapang ‘yang mga ‘yan pero tayo. Ang bait-bait nila sa atin,” kuwento ng Senadora.
Oktubre ng nakaraang taon daw iyon at kasagsagan ng isyu sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte, sa impeachment, at sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban sa war on drugs ng Duterte administration, nang “nagtampo” kay Sen. Imee si Romualdez.
Isa si Sen. Imee sa mga mambabatas sa mariing tinututulan ang charter change (Cha-cha) na isinusulong ng Kamara, sa pangunguna ni Romualdez.