Inihain ni Senate President Migz Zubiri ngayong Lunes, Enero 15, ang pinag-isang resolusyon ng Kamara at Senado na layuning amyendahan ang ilang economic provisions ng 1987 Constitution “to avert a constitutional crisis” ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
“Tatatlo lang ang topic dito (Resolution of both Houses No. 6) and napakasimple, napakalinaw — so, ito ay gagawin natin, para sa ganon ay we preserve the bicameralism of both the House of Representatives and the Senate,” sabi ni Zubiri sa media conference ngayong Lunes, Enero 15.
Disyembre 12, 2023 nang inihayag nina House Speaker Martin Romualdez at Senior Deputy Speaker Aurelio ‘Dong’ Gonzales Jr. ang plano nilang isulong ang Charter change (Cha-cha) ngayong 2024.
Sa panayam ng House reporters, sinabi ni Gonzales na pagbabago sa ilang economic provisions at pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal ang tututukan ng panukala niyang Cha-cha.
Gayunman, sa resolusyong inihain ni Zubiri, tatlong economic provisions lang ang bubusisiin ng Kongreso.
Una nang inihayag ni Zubiri na pamumunuan ni Sen. Sonny Angara ang sub-committee na magsasagawa ng pagsusuri sa mga babaguhing economic provisions ng 1987 Constitution.