Inamin ng liderato ng People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) na sila ang responsable sa signature campaign para sa charter change (cha-cha) na isinasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Inamin ni PIRMA lead convenor Noel Oñate na bahagi ang grupo sa pamamahagi ng mga kopya ng petisyon para sa cha-cha sa buong bansa at kinumpirma ang pakikipag-usap kay House Speaker Martin Romualdez hinggil sa signature campaign.
Ipinagmalaki ng grupo na ang inisyatibo ay nakakakuha ng suporta mula sa publiko, partikular sa “D” at “E” voting areas, na may inaasahang 20 porisyentong turnout sa Pasay City.
Target ng PIRMA na mangalap ng mga lagda mula sa 12 porsiyento ng populasyon ng pagboto o tatlong porsiyento sa bawat distrito ng kongreso, na may mahigit 91 milyong rehistradong botante.
Sinabi ni Oñate na ang PIRMA ay may magkakaibang miyembro, kabilang ang mga negosyante, mangingisda, magsasaka, overseas Filipino workers, non-government organizations, at civic groups.
Kabilang din sa kanilang adbokasiya ang pagtatatag ng isang unicameral legislative body upang tugunan ang mga isyu ng pagkaantala sa pagapruba ng mahahalagang batas.
Layunin din nilang buksan pa ang ekonomiya ng Pilipinas para makaakit ng mas maraming dayuhang mamumuhunan.