Dahil sa patuloy na pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard sa mga nakaraang resupply mission sa Ayungin Shoal, nagalok ng tulong ang German government sa Pilipinas para mabantayan ang teritorya nito.
Nakahanda umanong makipagtulungan ang Germany sa Pilipinas sa pagtatanggol nito sa karapatan sa West Philippine Sea, ayon sa naging desisyon ng 2016 Arbitral Tribunal hinggil sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Annalena Baerbock, ang Foreign Minister ng Germany, kahit libo-libong kilometro ang kanilang layo, may pangambang nararamdaman sila sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China, na maaaring magkaruon ng epekto sa ekonomikong pag-unlad ng bansa.
Sinabi ng Foreign Minister na nais ng kanilang bansa na palakasin ang kasalukuyang kooperasyon sa Philippine Coast Guard sa pamamagitan ng pag-donate ng karagdagang drones na makakatulong sa pagmamatyag sa West Philippine Sea.
Giniit ni Baerbock na nais ng Germany na magbigay ng suporta sa Pilipinas sa pagsusulong ng karapatan nito sa West Philippine Sea, dahil malinaw umano na bahagi ng 200-Nautical-Mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang pinagtatalunang teritoryo.