Tutuldukan na ng Toll Regulatory Board (TRB) ang dry run sa cashless transactions sa mga tollway sa bansa sa Hunyo ng kasalukuyang taon upang bigyan daan ang full implementation ng 100% RFID system at mapabilis ang daloy ng mga sasakyan sa mga toll exit.
Ayon kay Toll Regulatory Board (TRB) executive director Alvin Carullo, lahat ng toll exits sa mga privately-owned expressways ay magpapatupad na ng 100% cashless payment systems gamit ang RFID stickers.
Sinabi ni Carullo na tanging ang Manila-Cavite Expressway ang nagkakaproblema sa pagpapatupad ng cashless system subalit, aniya, handa na itong makibahagi sa dry run sa pagsapit ng Marso.
Kasalukuyang binubuno ng 19 toll plaza ng mga expressway na pagaari ng San Miguel Corporation (SMC) ang acceptance test ng TRB para makapasok sa 100% cashless program.
Sisimulan na rin ng TRB ang dry run para sa interoperability ng Autosweep at Easytrip RFID systems bukas, Enero 10, bilang paghahanda sa full implementation ng programa sa Hulyo 2024.