Binigyang-diin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Sabado, Enero 6, na hindi totoong nakikipag-usap siya sa ilang dating opisyal ng pulisya at militar para sa isang destabilization plot laban kay President Ferdinand Marcos, Jr.
“Sino namang gag*** pulis o military ang makipag-meeting sa akin to destab? For what purpose? To place somebody else in place of (President) Marcos? I’m comfortable with Marcos. Why should I replace him? And who am I to replace him at this time of my life?” sabi ni Duterte.
Wala raw dahilan si Duterte para gawin iyon dahil bukod sa kuntento na siya sa naging pagsisilbi niya sa bansa bilang Presidente, “retired” na raw talaga siya sa pulitika sa edad na 78.
“I am telling you the truth, wala na ako. Maski gusto ko man, pero hindi na kaya ng katawan ko. No more politics for me. I’m retired. Retired na talaga ako. I’m tired. Ayoko na ng pulitika,” aniya.
Matatandaang noong Nobyembre 2023, sinabi ni Duterte na mapipilitan siyang kumandidato sa pagka-bise presidente o senador kung mai-impeach ang anak niyang si Vice President and Education Secretary Sara Duterte.