Hindi na tatanggap ng mga bagong person deprived of liberty (PDL) ang New Bilibid Prison (NBP), ayon sa Department of Justice (DOJ).
“Maglalagay kami ng moratorium sa pagpasok ng mga bagong bilanggo sa loob ng New Bilibid compound at dadalhin na lang namin sila sa ibang mga piitan na available sa ibang mga bilangguan,” pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa isang media briefing.
“Titigilan na namin ang pagdagdag ng populasyon sa NBP. Mababawasan ‘yan, pero hindi na ‘yan madadagdagan,” dagdag ng kalihim.
Paliwanag pa ni Remulla, malaki ang maitutulong ng moratorium sa pagtanggap ng mga bilanggo sa prison facility sa Muntinlupa para mabawasan ang gulo o pagtatalo sa bilangguan.
Noong Huwebes, Hulyo 27, ibinaba ng Bureau of Corrections ang security alert status sa loob ng Bilibid matapos ang magkahiwalay na kaguluhan na ikinasawi ng isang bilanggo at nagresulta sa pagkasugat ng ilan.
Ayon sa DOJ, nagpapatuloy ang kanilang koordinasyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para mailipat sa mga local jail ang mga preso na sentensyado ng less than six years mula sa Bilibid.
Ang pagbabawas ng bilang ng mga bilanggo mula sa NBP ay bilang paghahanda sa planong pagsasara sa pasilidad sa 2028.