Sa ilalim ng panukalang Cheaper Rice Act (House Bill 9020) ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee, bibilhin ng gobyerno ang palay ng lokal na magsasaka ng naaayon o mas mataas sa presyo, bago ibebenta naman ng gobyerno ang produkto sa mababang presyo upang maging abot-kaya sa publiko.
Ayon kay Lee, bukod sa kikita ang mga magsasaka, hindi rin mapipilitan ibebenta ang palay sa mababang presyo sa mga middleman dahil bibilhin ng gobyerno sa magandang presyo.
“Sa panukalang ito, papatungan natin ng P5 to P10 ang presyo ng palay per kilo na bibilhin ng gobyerno sa mga lokal na magsasaka para siguradong kikita sila. Kapag may kita, magpupursige silang taasan ang kanilang produksyon,” saad ni Lee.
Giit ni Lee na kung kikita ang mga magsasaka, hindi na mag-iisip ang mga ito na ibenta ang kanilang lupang sinasaka.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), hindi inaasahan na bumaba ng malaki ang presyo ng bigas dahil mataas umano ang presyo nito sa global market. Pero hindi umano dapat i-asa sa world market ang pagbaba ng lokal na presyo ng bigas.