Umiskor si Vice President Sara Duterte ng pinakamataas na approval rating na 74 porsiyento at trust rating na 78 porsiyento sa hanay ng apat na pinakamataas na opisyal sa bansa, ayon sa Pulse Asia survey.
Ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Disyembre 3 hanggang 7, 2023, tumaas ang approval rating ni Duterte ng isang porsiyento kumpara sa kanyang 73 porsiyentong rating noong Setyembre 2023.
Lumitaw din sa survey na bahagyang tumaas ang trust rating ni Duterte sa 78 porsiyento kumpara sa 75 porsiyento noong Setyembre 2023.
Pumangalawa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may 68 porsiyento sa approval rating at 73 porsiyento sa trust rating kumpara sa September 2023 approval rating nito na 65 porsiyento at trust rating na 73 porsiyento.
Samantala, umani ng 49 porsiyentong approval rating at 51 porsiyentong trust rating si Senate President Juan Miguel Zubiri na mas mababa noong sa kanyang mga numero noong Disyembre 2023 na 50 porsiyento sa approval at 49 porsiyento sa trust rating.
Sa apat na highest officials, pinakakulelat si House Speaker Martin Romualdez na umani ng 39 porsiyento sa approval rating, na bumaba sa 41 porsiyento kumpara noong September 2023. Habang ang trust rating niya ay bahagyang tumaas sa 40 porsiyento mula sa 38 porsiyento noong Setyembre 2023.