Hindi pa man 100 percent sure sa kanyang political plans, excited na ang mga miyembro ng PDP-Laban sa posibleng pagtakbo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado sa 2025, ayon sa ulat ng DZBB.
“Isa ‘yan sa posibilidad. Puwedeng mangyari kasi narinig ko na ‘yan sa meeting meeting naming… halos majority ng aming kasamahan sa partido ay gustong tumakbo si Pangulong Duterte and everyone (PDP-Laban) is excited kung tumakbo s’ya. The final say is with the former president,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Una nang sinabi ng dating Pangulo na tatakbo siya sa pagka-senador kapag magpupumilit ang International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang umano’y mga human rights violations ni Duterte sa kanyang drug war campaign noong termino nito bilang alkalde ng Davao City hanggang maging pangulo ng bansa.
“Di naman niya kailangan ng additional protection pero sa kanya lang is siguro just to make sure that he can still contribute towards nation building ng ating bansa. After six years term as president baka pakiramdam niya mayroon pang naiwan sa kanya na pwede pang i-share sa ating kababayan na hinahanap hanap naman ng ating mga kababayan,” ayon kay Dela Rosa.