Apat na international law experts mula sa Pilipinas ang itinalaga bilang mga bagong miyembro ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na nagre-resolba sa international disputes, kabilang ang West Philippine Sea, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes, Enero 4.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Embassy sa Netherlands na sina Dr. Raul Pangalangan, Prof. Sedfrey Candelaria, Dr. Antonio Gabriel La Viña at Philippine Ambassador Eduardo Malaya ay itinalaga sa PCA matapos isumite sa korte ang kanilang resume ni DFA Secretary Enrique Manalo.
Si Pangalangan, isang professor ng law sa University of the Philippines Diliman, ay nagsilbi bilang hukom sa International Criminal Court mula 2015 hanggang 2021. Siya ang publisher ng Philippine Daily Inquirer mula 2012 hanggang 2015.
Si Candelaria ay isang law professor sa Ateneo de Manila University at namumuno sa Research, Publications and Linkages Office ng Philippine Judicial Academy.
La Viña ay miyembro ng PCA Specialized Panel of Arbitrators and Experts for Environmental Disputes mula 2016 hanggang 2022.
Samantala, si Malaya ang kasalukuyang Philippine Ambassador to the Netherlands, at gumaganap na pangulo ng PCA Administrative Council para sa 2023-2024.
Sila ay magsisilbing arbitrators sa ilalim ng PCA sa loob ng anim na taon. Maaari rin silang mag-nominate ng mga kandidato para sa International Court of Justice (ICJ) at mag-propose ng mga kandidato para sa Nobel Peace Prize, sa pakikipagtulungan ng ICJ judges.