Binuweltahan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. si Chinese Foreign Ministry spokesperson Wang Wenbin na ang Pilipinas ang nanghimasok sa kanilang teritoryo sa South China Sea at hindi ang China.
“Sila na lang ang niniwala at mga tao nila ma bine-brainwash naman dahil walang malayang pamamahayag sa China… so they are the only one that believe their own propaganda,” sinabi ni Teodoro sa programang “The Source” ng CNN Philippines.
Sinabi rin ni Wang na hindi aatras ang kanilang gobyerno sa territorial dispute at ang Pilipinas ang sasalo sa lahat ng problema na ibinunga ng pagiging agresibo nito na banta sa katahimikan at seguridad sa rehiyon.
Ani Teodoro, ang pahayag ni Wang ay patunay na walang maganda at maayos na intensiyon ng China kundi angkinin ang buong karagatan sa South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea na pasok sa 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.
Samantala, inihayag din ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo na nakausap niya sa telepono ang kayang counterpart na si Foreign Minister Wang Yi ng China nitong Miyerkules, Disyembre 20.
Ayon kay Manalo, naging “frank and candid” ang paguusap ni Wang kung saan tinalakay ng dalawa ng iba’t ibang isyu na may kinalaman sa West Philippine Sea.
Ani Manalo, importante ang pakakaroon ng diyalogo ang dalawang panig upang maibsan ang tensiyon sa West Philippine Sea bunsod ng batuhan ng aksusyon sa paglabag sa soberenya ng bawat bansa.