Magsisimula na sa susunod na linggo ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na kaso ng bangkay na natagpuang pugot ang ulo sa loob ng isang poso negro sa New Bilibid Prison, ayon kay ACT-CIS Partylist Rep. Erwin C. Tulfo.
Ani Tulfo, itinakda ni House Committee on Public Order and Safety chairman Dan Fernandez ang pagdinig sa darating na Huwebes, Agosto 3.
Naunang naghain ang kongresista ng isang resolusyon para hikayatin ang Kamara na imbestigahan ang kaso ng inmate na si Michael Cataroja, na ilang araw na nawala at natagpuang patay na sa isang poso negro sa national penitentiary.
Sa imbestigasyong gagawin ng Kamara hinggil sa kaso, umaasa si Tulfo na matutuldukan ang ilegal na aktibidad sa loob ng Bilibid.
Samanala, patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga kagawad ng Nationa Bureau of Investigation (NBI) para makalkal ang posibleng mass grave sa loob ng Bilibid, ayon naman kay Justice Sec. Crispin Remulla, noong nakaraang araw.