(Photo courtesy by Bureau of Customs)
Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang isang warehouse sa Pasig City kung saan itinatago ang 51 high-end muscle cars na wala umanong kaukulang tax payments.
Ang pagsalakay ay base sa Warrants of Seizure and Detention na inilabas ng Customs authorities sa may ari ng mga sasakyan, base sa umiiral na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), dahil bigo umano ang mga ito na bayaran ang tamang halaga ng importation tax sa kabila ng palugit na inilatag ng ahensiya.
Batay sa ulat, nadiskubre ng BoC ang showroom at warehouse sa Pasig City kung saan nakaparada ang mga sports cars na kinabibilangan ng Ferrari, Lamborghini, Porsche, Mercedes Benz at iba pa nang isilbi sa establisimiyento ang Letter of Authority noong Hulyo 4, 2023.
Dalawampu’t walong sasakyan ang nailipat na sa kustodiya ng BOC-Port of Manila habang ang natitirang 23 iba pa ay isusunod pa lang.
Napag-alaman na nairehistro ng mga may-ari ng mga imported vehicles na ito subalit ang owners ng 51 kinumpiskang sports car ay hindi naisumite ang mahahalagang importation documents at bayaran ang tamang taxes at duties sa itinakdang 15-day grace period.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, dapat itong magsilbing aral sa mga importer ng high-end motor vehicles para sundin ang customs law at bayaran ang tamang buwis upang maiwasan ang pagkakakumpiska ng kanilang mga sasakyan.