Sinibak na sa puwesto ang tatllong miyembro ng Quezon City Police District (QCPD), kabilang ang station commander sa lugar, matapos kumalat sa social media ang isang maselang video ng yumaong aktor na si Ronaldo Valdez na kuha sa crime scene.
Inanunsiyo ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo ang pagsibak sa dalawang pulis na kabilang sa rumesponde sa pagkamatay ng aktor na si Ronaldo Valdez sa kanyang bahay sa New Manila, Quezon City, noong Linggo, Disyembre 17.
Sinibak din, aniya, sa puwesto ang station commander sa lugar dahil sa prinsipyo ng “command responsibility” dahil sa kumalat na video na kuha umano ng kanyang dalawang tauhan.
“Kausap ko kanina si district director at ni-relieve na po niya ‘yung first responder at kaniyang station commander para tignan ang liability,” ayon kay Fajardo.
Hindi naman pinangalanan ng PNP ang mga sinibak na tauhan nito.
Sinabi rin ni Fajardo na iniimbestigahan na ang mga sinibak na pulis kung maaari silang kasuhan ng paglabag sa Anti-Cybercrime Law dahil sa kawalan ng respeto sa pamilay na naiwan ng namayapang aktor.
“Kung ito ay kuha ng ating first police responders for documentation purposes, wala po sanang naging problema,” giit ni Fajardo.
Samantala, umapela rin ang tagapagsalita ng Pambansang Pulisya sa publiko na tigilan na ang pagpapakalat ng naturang video base sa kahilingan ng pamilya ng biktima.