Aksidente sa kalsada ang nangungunang pumapatay sa mga kabataan sa buong mundo, ayon sa latest report ng World Health Organization (WHO) na inilabas nitong Lunes, Disyembre 19.
Lumitaw sa “Global Status Report on Road Safety 2023” na ang road traffic injury ang numero unong sanhi ng pagkamatay ng mga batang nasa paaralan mula sa edad na 5-taong gulang at kabataan na may edad hanggang 29-anyos.
Mayroong 1,670 bata o apat na bata kada araw ang namamatay taun-taon sa Pilipinas dahil sa mga banggaan sa kalsada, ayon sa local public interest law group na ImagineLaw.
Ayon kay Sophia San Luis, executive director ng ImagineLaw, sa Tupi Municipality sa South Cotabato pa lamang, 77 estudyante ang nasawi habang tumatawid sa kalsada noong 2014.
“So, gusto namin na ang lokal na pamahalaan makipagtulungan sa DPWH para i-redesign ang mga kalsada around the schools para ito ay maging safe,” ani San Luis
Mistulang nakikipag-patintero umano ang mga bata sa mga dumaraang mga bus at truck sa kalsada sa harap ng mga eskwelahan.
Dahil dito nais ng grupo na markahan ng mga lokal na opisyal ang mga pedestrian lane at maglagay ng mga signage sa kalsada sa mga school zone.
Sinabi ni San Luis na hindi bababa sa 40 local government units ang nagpatupad ng mga ordinansa para magpataw ng speed limit, ngunit hindi ito ipinatupad.
Giit ni San Luis, dapat ay nasa 30kph hanggang 20kph ang speed limit sa mga school zone depende sa classification ng mga kalsada.