Nilagdaan ni Land Transportation Office (LTO) chief Atty. Vigor Mendoza II ang isang kasunduan para sa “unconditional donation” ng apat na milyong plastic driver’s license card mula sa Philippine Society of Medicine for Drivers (PSMED) upang mas mapabilis ang pamamahagi ng mga lisensiya sa mga motorista.
“The Deed of Donation will pave the way for the delivery of 300,000 pieces of plastic cards 21 days after the LTO issues an authority, or expectedly in the first week of January 2024, to the supplier of the donor to use the design of the LTO driver’s license,” ayon sa kalatas ng LTO.
Nakasaad din sa kasunduan na ang 300,000 cards ay ide-deliver kada 15 araw matapos ang unang delivery, at 100,000 piraso naman ay sa huling delivery hanggang makumpleto ang apat na milyong plastic driver’s license cards.
Bukod sa mga plastic cards, nagbigay din bilang donasyon ang PSMED na pinangungunahan ni Dr. Albert Alegre ng apat na set ng digital microscopes, UV lens at decoding lens upang matiyak ang seguridad sa produksiyon ng mga lisensiya.
Positibo si Mendoza na mabilis nang makakukuha ng mga plastic license cards hindi lamang ang mga bagong aplikante ngunit maging ang mga overseas Filipino workers (OFW) na kabilang priyoridad ng LTO.