Natagpuang patay si James Ronald Dulaca Gibbs, na mas kilala sa screen name na “Ronaldo Valdez,” sa isang silid ng kanyang bahay sa New Manila, Quezon City, nitong Linggo, Disyembre 17, na may tama ng bala sa kaliwang sentido.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang sanhi ng pagkamatay ng 76-anyos na aktor ay “suicide” bunsod ng matinding depresyon matapos ang kanyang prostate cancer operation na isinagawa noong Disyember 2022.
Subalit iginiit ng Quezon City Police District (QCPD) na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Valdez. “As of today, QCPD is currently conducting a thorough investigation to ascertain the cause of death of Mr. James Gibbs, a.k.a. Ronald Valdez,” saad ng pulisya.
Base sa imbestigasyon, natagpuan ni Angelito Oclarit, family driver, ang duguang katawan ni Valdez habang nasa isang upuan na may hawak pang handgun sa isang silid sa loob ng kanyang bahay sa Unit 25 Casa Nueva Homes, No. 15 Manga St., Barangay Mariana, New Manila, Quezon City dakong alas-3:20 ng hapon nitong Linggo, Disyembre 17.
Humingi agad ng tulong si Oclarit sa mga opisyal ng Casa Nueva Homeowners Association upang ipaalam sa mga barangay officials ang pagkamatay ni Valdez.
Isinugod si Valdez sa St. Luke’s Hospital kung saan ito ideneklarang dead on arrival dakong alas-4:16 ng hapon.
Nagtamo ng tama ng bala si Valdez sa kaliwang sentido, ayon sa police report.
Narekober ng mga tauhan ng QCPD Forensic Unit sa crime scene ang isang 45 caliber Norinco pistol, isang basyo ng bala, isang empty magazine at isang gun case.