Dapat i-pressure ng Pilipinas at international community ang China na kumilos ng tama at responsible sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na patuloy ang paggamit ng China ng ‘swarming tactics” sa exclusive economic zone ng bansa.
Aniya, dapat ipagtabuyan ng Pilipinas ang mga nagkukumpulang Chinese vessels sa WPS, madaling sabihin subalit mahirap gawin.
Marami aniyang paraan para gawin ito at isa na rito ang ipakita sa buong mundo ang pagkakaisa ng mga Pilipino at i-pressure ang China na kumilos bilang isang responsableng mamamayan haban nasa WPS.
“We can have several approaches to this. The first and foremost is to really show the world and to pressure China into behaving as a responsible citizen of the world in this area,” pahayag ng kalihim.
Hindi lamang, aniya, Pilipinas ang apektado ng ikinikilos ng China sa WPS kundi buong mundo rin dahil kung ang South China Sea ay kontrolado at pinipigilan ng China, maapektuhan ang supply chain maging ang international maritime order.
“It is a question for the whole world to [be] worried about, because if the South China Sea is constricted by China, then your supply chains are affected, international maritime order is affected, and for us in the Philippines, if we are not able to secure our EEZ, our existences as an archipelagic country under UNCLOS is in peril,” paliwanag ni Teodoro.
Ang pahayag ay ginawa ni Teodoro nang tanungin hinggil sa presensiya ng mga Chinese vessel sa Ayungin shoal.
Sa ngayon aniya, ang bansa ay patuloy na pinaiiral ang ‘proactive diplomacy’ sa gitna ng tensyon , gayundin ang pakikipag-usap ng maayos sa mga bansa sa loob at labas ng rehiyon na may katulad na posisyon sa nagaganap sa WPS.
Ulat ni Baronesa Reyes