Hinatulang “guilty” ng Office of the Ombudsman ang dating director general ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na si Jeremiah Belgica at apat na iba pa sa kasong grave misconduct na inihain laban sa kanila ng DITO Communications.

Sa hatol na nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires noong Marso 3, 2023 ngunit ngayon lamang isinapubliko, guilty rin sa parehong kaso sina dating Deputy Director General Eduardo Bringas, Division Chief Sheryl Pura-Sumagui, Director Jedrek Ng, at Director Melamy Salvadora-Asperin.

“The clear intent to violate the law by respondents was evident when they issued the assailed 01 March 2021 ARTA Resolution and OAA assigning frequencies to NOW Tel despite being aware beforehand of the following information gathered through the pleadings filed by the NTC, Comm. Cordoba, and DITO,” ayon sa hatol ng Ombudsman.

Nag-ugat ang naturang kaso nang maghain ng reklamo si DITO Chief Administrative Officer Adel Tamano laban sa naturang mga opisyal ng ARTA dahil sa paglabag diumano ng mga ito sa probisyon ng Republic Act No. 3018 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, dahil sa pagbibigay ng frequency na naitalaga na para sa DITO sa NOW Telecom Company, Inc., bilang ikatlong major player sa industriya ng telekomunikasyon sa bansa.

Batay sa kasaysayan ng kaso, noong 2021, naglabas ang inakusahang mga opisyal ng isang resolusyon na nag-uutos sa National Telecommunications Commission (NTC) na awtomatikong aprubahan ang pagtatalaga ng frequency sa NOW Telecom.

Bago ito, noong Mayo 18, 2020, naghain ng reklamo ang NOW Telecom laban kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa ARTA para sa awtomatikong pag-apruba ng ahensiya sa frequency request nito, kahit na nakatalaga na sa DITO ang naturang frequency.

Gayunman, noong Setyembre 20, 2018, naglabas ang NTC ng isang memorandum circular para sa selection process kaugnay ng pagpili ng bagong major player sa telco industry.

Tanging ang DITO Communications lang ang nakilahok sa naturang proseso at napili nga bilang bagong major player sa industriya.

Dahil sa nabanggit na sirkumstansiya, pumabor ang Ombudsman sa reklamo ng DITO at sinabing nakagawa ng grave misconduct ang dating mga opisyal ng ARTA.

Ayon pa sa Ombudsman, maging si Justice Secretary Menardo Guevarra ay nagpasyang isantabi ang naging kautusan para sa “automatic approval” na inilabas ng ARTA sa ilalim ng pamumuno ni Belgica.

Samantala, inutusan ng Ombudsman ang mga nagkasal na magbayad ng multang katumbas ng isang taong sahod ng mga ito sakaling hindi maaaring sibakin sa puwesto ang mga ito dahil wala na sila sa serbisyo.

Bukod sa pagmumulta, bahagi rin ng parusa ang hindi pagpapahintulot sa mga nagkasala na bumalik sa trabaho bilang mga opisyal o empleyado ng gobyerno.