Ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ngayong Martes, Disyembre 5, nagtala ng pagbagal ang inflation rate sa bansa na nasa 4.1 porsiyento nitong nakaraang Nobyembre kumpara sa 4.9 porsiyento noong Oktubre ng kasalukuyang taon.
Ang inflation rate ng Nobyembre ay nasa 4.0 porsiyento hanggang 4.8 porsiyento forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa naturang buwan.
Sinabi ng BSP na nakita ng mga mamimili ang mas mababang presyo ng mga gulay at produktong petrolyo noong Nobyembre, kasabay ng paglakas ng halaga ng piso.
Gayunpaman, sinabi ng BSP na ang pagtaas ng presyo ay maaaring magmula sa pagtaas ng presyo ng kuryente, LPG, toll rates, at mga produktong pang-agrikultura.