Pinalawig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang termino ni General Benjamin Acorda bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Nangangahulugan ito na tuloy-tuloy parin ang pagtatrabaho ni Acorda bilang hepe ng PNP kahit pa nagdiwang na siya ng kanyang ika-56 na kaarawan nitong Linggo, Disyembre 3.
Ang edad na 56 ang siyang mandatory retirement para sa mga unipormadong hanay.
Batay sa liham ni PBBM na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO), magsisilbi si Acorda bilang PNP chief hanggang Marso 31, 2024.
“I wish to inform you that, pursuant to the provisions of existing laws, your service as Chief (Police General), Philippine National Police, is hereby extended until 31 March 2024,” nakasaad sa liham.
Si Acorda ay unang itinalaga bilang PNP chief noong nakaraang Abril 24, 2023.
Ayon sa PCO, pinalawig ang termino ni Acorda dahil sa matagumpay niyang pamumuno sa kapulisan.
“Acorda has led the PNP to focus on an agenda for a more effective police force such as the Personnel Morale and Welfare, Community Engagement, Integrity Enhancement, ICT Development and Honest Law Enforcement Operations,” saad sa pahayag ng PCO.
Nagpasalamat naman si Acorda kay Marcos sa tiwala na panatilihin siya sa posisyon.
Ulat ni Baronesa Reyes