Inirekomenda na ng isang komite sa Senado ang pagpapataw ng mabigat na parusa laban sa mga employer na nagmalupit sa kanilang kasambahay, kabilang ang 20 taong pagkakakulong at P5 milyong multa.
Ang rekomendasyon na ito ay nakapaloob sa report ng Senate Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Sen. Francis Tolentino.
Ang naturang panel report ay nabuo matapos ang imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan laban sa mag-asawang employer na sina Pablo at France Ruiz ng Mindoro Occidental na nahaharap sa patung-patong na kaso bunsod ng pagmamaltrato sa kanilang kasambahay na si Elvie Vergara.
“Much as the committee would have wanted to recommend the filing of criminal charges against the Ruiz spouses, we note that there are already cases filed against them before the Office of City Prosecutor of Batangas City, which was already transferred to the Department of Justice Central Office by virtue of Department Order No. 611 dated 06 November 2023,” nakasaad sa report.
Inirekomenda ng Senate panel ang mga sumusunod na penalty sa mga abusadong employer:
- Multa na hanggang P250,000 sa mga lalabag sa Kasambahay Law.
- Multa hanggang P500,000 na may katapat na apat na taong pagkakakulong kung walang sugat na naidulot ng employer o kamaganak nito sa kanilang kasambahay.
- “If by reason or on the occasion of such abuse, physical violence or harassment inflicted, the kasambahay shall have become deformed, or shall have lost any body part, or shall have lost the use thereof,” mahaharap ang abusadong employer ng walong taong pagkakakulong at multa na hanggang P 2 milyon.
- Pagkakakulong ng hanggang 12 taon at mula hanggang P4 milyon kung nabaldado, o nabulag ang kasambahay bunsod ng pangmamaltrato.
- Pagkakakulong ng hanggang 20 taon na may kasamang P5 milyong multa kapag nasawi ang kasambahay dahil sa pananakit ng employer.