Nagpahayag na paniniwala ang isang opisyal ng International Criminal Court (ICC) na posibleng makulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng 10 taon kapag napatunayang “guilty” ng korte sa pagkamatay ng inosenteng sibilyan sa kanyang “war on drugs” campaign.
“Kulong po. Kung hindi ako nagkakamali aabot ito ng 10 taong pagkakakulong sa detention facility ng isang miyembro ng ICC,” ayon kay Kristina Conti, ICC assistant to counsel.
Ito ang sagot ni Conti nang tanungin sIya sa isang radio interview kung ano parusa sa mga dating pinuno ng bansa o ibang personalidad na napatunayang nagkasala ng crimes against humanity ng International Criminal Court (ICC).
Dagdag pa ni Conti, dadalhin ang akusado sa ICC detention facility habang dinidinig ang kaso nito. Kapag nahatulan nagkasala ililipat sya sa detention facility ng miyembro ng ICC.
Noong Enero 2023 nang magbaba ng desisyon ang ICC pre-trial chamber na nagpapahintulot sa ICC prosecutor na ituloy ang imbestigasyon sa mga naging biktima ng umano’y Davao Death Squad umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinanggihan ng ICC ang argumento ng Pilipinas na wala ng hurisdiksyon umano ang ICC dito dahil mas naunang nasimulan ang imbestigasyon ng mga pagpatay noong 2018, isang taong bago bumitiw ang Pilipinas sa ICC noong 2019.
Tinatayang nasa higit 6,000 ang namatay sa 200,000 isinagawang drug operations base sa datus na ibinigay ng gobyerno ng Pilipinas.
Sa pagtaya ng mga ICC prosecutor, aabot sa 12,000 hanggang 30,000 ang mga namatay sa war on drugs ni Duterte.