Umapela ng tulong ang Land Transportation Office (LTO) sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan hinggil sa mga government vehicles na hindi nagre-renew ng rehistro bunsod ng ikinakasang “no registration, no travel” policy ng tanggapan.
“We have around 24.7 million delinquent vehicles and some of them are registered under various government agencies. We are seeking the assistance of these government agencies for the renewal of the registration of the delinquent vehicles under their respective offices,” pahayag ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza II.
Dahil dito, inatasan Mendoza ang lahat ng regional directors na makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng gobyerno sa kani-kanilang lugar para kumbisihin ang mga ito na magpa-renew ng rehistro ng sasakyan.
Kasama sa kautusan ang pagkakaroon ng consolidated list ng mga delingkuwenteng sasakyan na nakapangalan sa mga government agencies upang malaman kung alin sa mga ito ang hindi na nagagamit at mga nagagamit pa pero may expired vehicle registration.
“I am hoping that magkakatulungan kami tungkol dito dahil ito ay patungkol sa kaligtasan ng bawat road users sa ating bansa,” dagdag niya.
Kahapon, Nobyemre 19, nanawagan si Mendoza sa mga may-ari ng sasakyan na may expired registration na i-renew na ito dahil maghigpit na ipatutupad na ng LTO ang “no registration, no travel” policy sa buong bansa.