Sinabi ni Mody Floranda, national president ng PISTON, na base sa kanyang obserbasyon, malaki ang naging epekto ng kanilang transport strike sa Metro Manila.
Ipinagmalaki ni Mody Floranda, pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na aabot sa 80 porsiyento ng ruta ng mga pampasaherong jeepney ang naparalisa ng kanilang tigil-pasada sa Kalakhang Maynila ngayong Lunes, Nobyembre 20.
Sa panayam ng DZBB, sinabi ni Floranda na halos wala nang bumibiyaheng jeepney sa ilang pangunahing lansangan sa Alabang, Pasay, Baclaran (Paranaque) at Monumento sa Quezon City.
Sa kabila nito, nakatakdang makipagpulong ang liderato ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga jeepney strikers ngayon hapon upang kumbinsihin ang mga ito na itigil na ang kanilang 3-araw na tigil pasada.
Itinanggi rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na malaki ang naging epekto ng tigil pasada dahil tuloy pa rin ang biyahe ng mga jeepney sa mga pangunahing ruta kasabay ang libreng sakay na alok ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para tulungan ang mga stranded na pasahero.