Nananatiling buo ang suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Vice President Sara Duterte sa gitna ng mga espekulasyon na may ikinakasang impeachment laban sa huli upang ito ay mapatalsik sa puwesto.
“Binabantayan namin nang mabuti because we don’t want her to be impeached. We don’t want her to—she does not deserve to be impeached. So, we will make sure that this is something that we will pay very close attention to,” pahayag ni Marcos.
Ito ay inihayag ni Marcos sa kanyang pagdalo sa Kapihan with Media na ginanap sa Honolulu, Hawaii, nitong Linggo, Nobyembre 19.
Anang Punong Ehekutibo, hindi na maituturing na balita ang mga panawagan ng impeachment laban sa matataas na opisyal ng gobyerno dahil palaging mayroong mga indibidwal na ang hangarin ay baguhin ang resulta ng eleksiyon.
“So, I guess, a continuing evolution of that thinking na basta ayaw namin diyan, tanggalin natin, i-impeach natin. Well, meron naman sigurong dahilan kung hindi lang ayaw sa amin. That’s not a reason to be impeached,” dagdag niya.
Nang tanungin kung totoong may “lamat” na ang tinaguriang “Uniteam” nila ni VP Sara, sinabi ni Marcos na malayong mangyari ito dahil lalo pang lumalakas at tumitibay ang kanilang pagsasamahan at pagtutulungan ng Ikalawang Pangulo.
“These are the same people that talk about impeachment. They are the same people that talk ‘wala na, nagbabaklas-baklas na ‘yung Uniteam.’ Hindi totoo ‘yun. Tingnan na lang niyo mga political developments in the past few months,” giit ni Marcos.
Aniya, kuntento din siya sa trabahong ginagampanan ni VP Sara bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).