Sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mapipilitan siyang tumakbo bilang bise presidente o senador kung ma-impeach ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
“Alam ninyo ba kapag ginawa ninyo ‘yan, babalik ako sa pulitika… Mapilitan ako—it’s either I run for senator or I will run for vice president maski matanda na ‘ko,” ayon kay Duterte.
Pumalag si Duterte sa umano’y impeachment talks na pinaplano ng ilang miyembro ng House of Representatives laban sa Bise Presidente, at idiniin na magta-time out siya sa kanyang pagreretiro para bumalik sa pulitika kung mangyari man ito.
“Mapipilitan akong lumabas sa retirement eh. When I begin to talk…election is just around the corner, talagang magka-babuyan tayo. I do not lose anything, I’m retired. Pero pagdating niyan na buhay pa ‘ko, ‘pag wala pa akong dementia, tatakbo akong…vice president… Kung si Inday ang presidente, okay lang,” sabi pa ni Duterte.
Samantala, sinabi ni VP Sara na ibibigay niya ang kanyang “full support” sakaling magdesisyon ang kanyang ama na tumakbo sa pagka-senador o pagka-bise presidente sa susunod na halalan.