Pagiigtinging ng Department of Transportation ang pagpapatupad ng seguridad sa mga pampublikong sasakyan kasunod ng pamamaril ng dalawang pasahero habang sakay ng Victory Liner sa Nueva Ecija noong Miyerkules, Nobyembre 15.
Dahil dito, ipinagutos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang pagsasagawa ng security audit upang matiyak ang seguridad at kapakanan ng mga commuters habang papalapit ang Kapaskuhan.
“PUBs (public utility buses) must be a safe haven for passengers who just want to travel from one city, province or region to another,” ayon kay Bautista.
Kabilang dito ay ang plano ng ahensiya na obligahin ang mga transportation companies na magkabit ng GPS na may emergency connectivity sa bus at terminals at tanggapan nito para agad na makatugon ang mga quick response teams.
Bukod sa dashcam, pinayuhan din ni Bautista ang mga bus companies na maglagay ng surveillance cameras hindi lang sa mga terminal ngunit maging sa loob ng sasakyan para ma-monitor ang galaw ng mga pasahero at hindi malusutan ng mga criminal.
Ipinaliwanag ni Bautista na ang naturang hakbang ay maaaring gawing requirement sa pagre-renew ng prangkisa ng mga bus companies sa mga susunod na panahon.