(Photo courtesy of DA Batanes)
Sumirit ang presyo ng gulay at isda sa pamilihan matapos na manalasa at maminsala ang Super Typhoon ‘Egay’ sa Hilagang Luzon.
Sa palengke ng Kamuning sa Quezon City, sumipa ang presyo ng patatas, kamatis, carrots, repolyo at bell pepper nang hanggang P50.00 kada kilo. Nanggagaling sa Baguio City ang supply ng nabanggit na mga gulay.
Sinabi naman ng Department of Agriculture (DA) na hindi pa nito natatanggap ang ulat hinggil sa pinsalang tinamo ng mga pananim sa Cordillera Administrative Region (CAR).
“Wala kaming nare-receive na report…Tuloy-tuloy naman ‘yung biyahe mula sa Cordillera papunta [Metro Manila]. May konti lang delays siguro,” pahayag ni Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa sa media.
Sumipa rin ang presyo ng iba’t ibang uri ng isda, gaya ng galunggong, bangus, at tilapia dahil pahirapan umano ang pagkuha ng mga ito.
Samantala, sa tala ng DA, aabot sa P53.1 milyon ang halaga ng pinsala ng bagyo sa agrikultura, sa pagkawasak ng mga maisan at palayan, at maging epekto sa hayupan (livestock) at manukan sa mga rehiyon ng CAR, CALABARZON, MIMAROPA sa Luzon, at Caraga sa Mindanao.
Ayon naman kay De Mesa, maliit na bahagi lang naman ito ng kabuuang antas ng produksyon ng mga nabanggit na produkto.
Naglaan naman ang DA ng P1-bilyon quick response fund para tugunan ang pinsalang idudulot ng bagyo at El Niño ngayong taon.