Dumating na sa San Francisco, California si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Miyerkules, Nobyembre 15, upang lumahok sa 2023 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Si PBBM ay lulan ng Philippine Airlines Flight PR001, na lumapag sa San Francisco saktong ala-5:05 PM Pacific Standard Time 9:05 a.m. (Miyerkules, PH Time).
Tatagal ang biyahe ng Punong Ehekutibo sa US ng anim na araw para dumalo sa 30th APEC Economic Leaders’ Meeting.
Sisimulan din niya ang mga opisyal na pagbisita sa Los Angeles, California at Honolulu, Hawaii.
Ito ang ikalawang pagkakataon na ang Pangulo ay lalahok sa APEC Economic Leaders’ Meeting – ang pinakamahalagang plataporma ng rehiyon para sa trade, investment, at economic cooperation.
Sa kanyang pre-departure speech sa Villamor Air Base sa Pasay City, sinabi ni Marcos na ikinararangal niyang kumatawan sa bansa na itinuturing na “region’s most important platform for trade, investment, and economic cooperation.”