Nakiisa na rin ang gobyerno ng United States sa pagbati kay dating Senador Leila de Lima matapos itong payagan ng korte na maglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan noong Lunes, Nobyembre 13.
“The United States welcomes former Philippine Senator Leila de Lima’s release on bail after nearly seven years of detention on politically motivated drug case,” ayon sa tagapagsalita ng US State Department.
Sa kabila nito, nanawagan ang US government sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na resolbahin ang natitirang kaso laban kay de Lima, na dating nanungkulan bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ) at pinuno ng Commission on Human Rights (CHR).
Noong panunungkulan niya sa DOJ, matatandaan na pinangunahan ni De Lima ang imbestigasyon sa umano’y Davao Death Squad (DDS) na sinasabing pinakilos ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte upang iligpit ang mga pinaghihinalaang kriminal sa siyudad bagamat hindi dumaan ang mga ito sa due process.
Ang Estados Unidos ay isa sa mga bansang nagkondena sa summary execution ng mga suspected criminals na inimbestigahan din ng International Criminal Court (ICC) na humahawak ng mga kasong paglabag sa karapatang pantao sa iba’t ibang panig ng mundo.
“The United States urges the Philippines to resolve the remaining case against her in a manner that is consistent with its international human rights obligations and commitments,” saad ng US State Department.
Ilang US senators din ang dating nanawagan sa gobyerno ng Pilipinas na palayain si De Lima mula sa Philippine National Police Custodial Center dahil itinuturing nila ito na paglabag sa karapatang pantao ng dating mambabatas.