Sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Biyernes, Nobyembre 10, na balak nitong magpataw ng withholding tax na isang porsiyento mula sa mga online sellers sa Disyembre o Enero ng susunod na taon upang mapakinabangan ang patuloy na lumalagong industriya ng e-commerce sa Pilipinas.
“Si buyer, nagbabayad kay platform. Si platform ang magbabayad kay seller. So bago i-remit ni online platform kay seller kung magkano yung dapat niyang makuha, less yung commission niya, magwi-withhold siya ng 1 percent of one-half of the revenue,” ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr.
“Ang mga online platforms at yung mga payment channels… sila ang magbabayad sa BIR ng tax,” sabi ni Lumagui.
Ngunit tiniyak ng BIR sa mga maliliit na online business na hindi ilalapat ang withholding tax na iyon kung hindi lalagpas sa P250,000 ang taunang total remittance sa isang online merchant para sa nakaraang taon na nabubuwisan.
“So that also addresses the issues raised by yung mga maliliit na kumikita sa online na sasabihin nila, maliit na nga lang kinikita ko dyan, bubuwisan pa. So hindi po kayo mabubuwisan pagka maliit na negosyante po yan. Yan ang aming pinapangako,” dagdag ni Lumagui.