Pinayagan na ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 si dating senador Leila de Lima na maglagak ng P300,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang Kalayaan.
Ito ang inihayag ng kanyang abogado na si Atty. Tony Lavina sa isinagawang pagdinig sa natitirang kaso ni de Lima sa korte. Nagbunyi ang mga taga-suporta ni de Lima na nagaabang sa labas ng Hall of Justice.
Si de Lima, na nagsilbi rin bilang Justice secretary noong termino ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ay kasalukuyang nakapiit sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon dahil sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Pinayagan din ng korte na makapagpiyansa ang apat na kasamahan ni de Lima sa kaso.
Ito ay matapos bawiin kamakailan ng dalawa pang testigo ang kanilang testimonya laban sa dating mambabatas.
Ang mga ito ay sina dating P/Maj. Rodolfo Magleo at P/Sgt. Nonilo Arile.
Matatandaan na una nang pinawalang sala ng Muntinlupa RTC Branch 204 si de Lima mula sa kanyang pangalawang kaso noong Mayo 2023.
Si de Lima ay nananatiling nakapiit ng anim na taon na base sa mga alegasyon na nakinabang ito sa mga transaksiyon ng droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) noong siya ay nakaupo bilang Justice secretary.
Base sa court records, sinabi ng mga testigo na ginamit ang umano’y drug money upang pondohan ang kanyang senatorial campaign noong 2016 elections.
Samantala, ikinatuwa ni former Vice President Leni Robredo ang naging desisyon ng korte dahil aniya, ito ay maituturing na “tagumpay hindi lang para sa kanya, kundi para sa ating bayan.” Si Robredo ay dating kaalyado ni de Lima sa Partido Liberal nang tumakbo ang huli sa pagka-senador.