Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na umabot sa 244 ang kabuuang bilang ng election-related incidents sa pagdaraos ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa iba’t ibang panig ng bansa nitong Lunes, Oktubre 30.

Mula sa kabuuang bilang, 111 insidente ang itinuturing ng Comelec bilang “suspected election-related” habang ang validated incidents ay nasa 29 na.


Ang pinakamalaking bilang ng insidente ng karahasan ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan 16 na election-related incidents ang naitala, 14 katao ang napatay, at 27 ang sugatan.

Ito ay sa kabila ng pagdeklara ng Comelec at PNP na “generally peaceful” ang pagdaraos ng halalan para sa barangay at SK, na itinuturong na pinaka-basic political units sa bansa.

Sumunod ang Region 9 o Zamboanga Peninsula na nagtala ng 16 insidente bagamat walang naiulat na namatay. Apat ang reported injured sa iba’t ibang insidente ng karahasan mula sa naturang rehiyon.

Samanatala, inihayag ni Garcia na hanggang ala-10:23 ng umaga ngayong Martes, Oktubre 31, mula sa kabuuang bilang na 42,001 barangays, naka-canvass na ay 41, 249 o 98.21 porsiyento mula sa lahat ng polling precincts na nakapagdaos ng botohan sa bansa.

Aniya, nasa 1.8 porsiyento ng boto mula sa kabuuang bilang ng mga barangays sa bansa ang kailangang ma-canvass ng mga Comelec officials.

Samantala, sinabi rin ni Garcia na 38,937 poll winners o 92.7 porsiyento mula sa kabuuang bilang ng mga barangays ang naiproklama na ng Comelec.

“To think na manu-mano po tayo. Wala pong automated transmission. Kinuha po ang mga sim card sa mga makina tapos dinala po sa canvassing centers kung saan po makikita ang consolidation of votes nangyayari,” paliwanag ng opisyal.