Inanunsiya ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakatakdang dumating sa Pilipinas sa Nobyembre 3, 2023, si Japanese Prime Minister Fumio Kishida para makipagpulong kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa DFA, personal na sasalubungin ni Marcos si Kishida sa gaganaping seremonya sa Malacanang Palace.
“The two leaders will hold a bilateral meeting to discuss areas of mutual concern such as political, security, economic and development cooperation, as well as people-to-people ties,” ayon sa statement ng DFA.
Inaasahang tatalakayin din ng dalawang lider ang sitwasyon sa regional at international issues, at pagtibayin ang diplomatic at trade relations sa pagitan ng Pilipinas at Japan na kanilang itinaas sa pagiging Strategic Partnership noong 2011.
Noong Pebrero ng kasalukuyang taon, nagsagawa ng official visit si Marcos sa Japan kung saan naselyuhan nito ang $13 bilyong halaga ng trade agreement na posibleng lumikha ng libu-libong trabaho para sa mga Pinoy.
Sinamantala rin ni Marcos ang oportunidad upang mabisita sina Emperor Naruhito at Empress Masako bago nakipagpulong sa mga business leaders at investors ng Japan.