Tinitingnan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga financing options para sa Mindanao railway project matapos itong umatras sa negosasyon sa pautang nang China, ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.
Sa sideline ng 49th Philippine Business Conference and Expo sa Manila noong Miyerules, Oktubre 25, kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na initsapuwera na ng gobyerno ang Chinese official development assistance (ODA) financing para sa isang malaking railway project sa Mindanao.
“Wala na… We’re now talking to other possible ODA partners,” ani ni Bautista.
“Wala masyadong development,” dagdag pa ni Bautista.
Matatandaan, noong Hulyo 2022, sinabi ni Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez na hindi umaksyon ang gobyerno ng China sa kahilingan ng administrasyong Duterte para sa loan financing para sa tatlong pangunahing proyekto ng riles na kinabibilangan ng Phase 1 ng P83-bilyong Tagum-Davao-Digos segment ng Mindanao Railway Project kasama ang PNR South Long Haul at Subic-Clark Railway Project.
Kamakailan, nagpalitan ng akusasyon ang Pilipinas at China ng pagpapatindi ng tensyon sa West Philippine Sea matapos banggain ng China Coast Guard ang mga resupply vessels ng Philippine Coast Guard sa bisinidad ng Ayunging Shoal.