Nagbabala si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos laban sa mga nagoorganisa ng mga pa-bingo at iba pang uri ng parlor games na possible silang maharap sa paglabag sa election laws kaugnay sa gaganaping Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
“Ang dating gimik ng paggamit ng mga bingo games o iba pang papremyo para itago ang pagbili ng boto, ay bistado na. Huwag niyo nang subukan ang ganitong istilo, tiyak na mahuhuli kayo at makakasuhan,” ayon kay Abalos.
Tinukoy ni Abalos ang Sec. 25 (e) of COMELEC Resolution No. 10946 kung saan nakasaad na ikokonsiderang vote-buying ang pagsasagawa ng bingo games, talent shows at iba pang kahalintulad na aktibidad kung saan namimigay ng mga premyo ang mga kandidato at kanilang taga-suporta.
“I wish to remind everyone that vote-buying is an election offense punishable by up to 6 years’ imprisonment and perpetual disqualification from public office,” giit ni Abalos.
“Uulitin ko hindi na makakalusot sa paggamit ng bingo games para bumili ng boto,” ani kalihim.