Naghain ang Office of the Ombudsman ng reklamong graft at technical malversation laban sa dating kalihim ng Department of Health at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin kaugnay sa kontrobersiya sa dengue vaccination program noong panahon ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino Jr.
Kabilang din sa mga kinasuhan kaugnay sa umano’y maanomalyang pagbili ng Dengvaxia vaccine ay mga dating kasamahan ni Garin sa DOH na sina dating supply chain management director Joyce Ducusin, dating undersecretary Gerardo Bayugo, dating undersecretary Kenneth Hartigan-Go at Philippine Children’s Medical Center executive director Julius Lecciones.
Ayon sa reklamo na inihain sa Ombudsman, inakusahan ang grupo ni Garin ng paglalaan ng P3.57 bilyong pondo ng gobyerno bilang karagdagang budget sa Expanded Program for Immunization (EPI) subalit ang pondong ginamit sa pagbili ng Dengvaxia vaccines ay hindi bahagi ng EPI.
Si Garin ay umupo bilang DOH secretary noong 2015 hanggang 2016.
Pinayagan ng Ombudsman ang apat na makapaglagak ng P18,000 piyansa para sa bawat isa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.