Inihayag ni Assistant Secretary Teresita Daza, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs (DFA), na naghain ang ang gobyerno ng Pilipinas ng panibagong diplomatic protest laban sa China na sinisisi sa nangyaring pagbangga ng barko ng China Coast Guard (CCG) at militia boat nito sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayunging Shoal.
Sinabi rin Daza na pinatawag na rin nila si Chinese Ambassador Huang Xilian kaninang umaga subalit hindi ito sumipot kaya si China Deputy Chief of Mission Zhou Zhiyong ang humarap sa DFA para ipaalam ang diplomatic protest ng Pilipinas.
Ayon kay Daza, umaabot na sa 465 ang kabuuang bilang ng mga diplomatic protest ang inihain na ng Pilipinas laban sa China simula Enero 2020 kung saan 122 ay inilatag ng administrasyong Marcos habang ang 55 ay ginawa ngayong taon.
Samantala, inihayag ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG for West Philippine Sea, na umabot sa 23 ang kabuuang bilang ng mga CCG vessels at militia boats nito na nasa bisinidad ng Ayungin Shoal nang maganap ang “dangerous blocking manuevers” sa PCG vessels noong Linggo, Oktubre 22.
Bukod sa limang CCG vessels na aktuwal na gumitgit sa PCG at indigenous boats na nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre, mayroon ding walong China maritime militia vessels ang kanilang namataan malapit sa lugar kung saan binangga ang dalawang sasakyang pandagat ng Pilipinas.
“They all participated actively in the blocking of PCG vessels,” giit ni Tarriela.
Aniya, mayroon din silang natiktikan na dalawang barko ng People’s Liberation Army – Navy Command, na military ships ng China, sa bisinidad.