Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard-Batangas, nakita nila ang makapal na usok sa MV Tanker Sea Horse nitong Linggo pasado alas-9:00 ng umaga.
Dalawa patay at dalawa nawawala matapos nang masunog ang MV Tanker Sea Horse sa Batangas City Port. Nagtulong-tulong ang Coast Guard, PNP Maritime, Bureau of Fire Protection, at Batangas City Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagsugpo ng apoy na naapula sa loob ng dalawang oras.
Ayon kay Capt. Jerome Jeciel ng PCG-Batangas, apektado ng sunog ang 30 porisyento ng barko, lalo na ang pilot house. Pawang mga crew ang nasawi. Isa sa kanila natagpuan sa dagat habang ang isa naman ay charred beyod recognition.
Sa imbestigasyon ng Coast Guard, pinaniniwalaan na nagsimula ang sunog sa kusina ng barko. Sa hiwalay na imbestigasyon ng BFP-Batangas City, isinisi ito sa sumabog sa main deck malapit sa pilot house na posibleng nagmula sa pagwewelding.
Kinumpirma ng Coast Guard na may lulang langis ang tanker, ngunit hindi pa tiyak kung gaano karami. Handa sila sa posibilidad ng oil spill. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad.