Nakabalik na sa Pilipinas ang 18 Pilipinong nagtapos sa pag-aaral sa agrikultura na sumasailalim sa training sa Israel nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Israeli forces at militanteng grupong Hamas.
Sa isang pahayag, sinabi ng Pampanga Information Office na dumating sila sa Maynila noong Martes, Oktubre 17, ng alas-10 ng umaga. Sinabi nitong nagpadala ng bus ang lokal na pamahalaan para ihatid sila sa kani-kanilang probinsiya
Ang mga nagtapos sa Pampanga State Agricultural University ay nagsanay sa Israel sa loob ng 11 buwan sa ilalim ng programa ng Technical Education and Skills Development Authority. Nakabase sila sa KFAR Silver Campus at Ruppin Campus sa Ashkelon City, mga 15 kilometro ang layo mula sa Gaza Strip kung saan mainit ang labanan.
Samantala, sinabi ng Department of Foreign Affairs na inaasahang darating sa bansa ang unang batch ng mga Filipino repatriates ngayong Miyerkules, Oktubre 18, ng hapon. Sinisikap din ng mga awtoridad na maiuwi ang mga labi ng tatlong Pilipinong namatay sa mga unang araw ng Israel-Hamas war.