Ano mang araw mula ngayon ay magbubukas ang border sa Egypt kung saan dadaan ang mga Pinoy mula sa Gaza na naipit ng bakbakan sa pagitan ng Israel at Palestinian militant group na Hamas.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na patuloy ang pag-uusap sa pagitan ng mga Israelis at Egyptians kung paano ang magiging proseso upang maiwasan ang paglabas ng Hamas sa Gaza at makapasok ang mga ito sa Egypt at posibleng maghasik ng kaguluhan.
“Nakikipag-ugnayan pa rin ang Israelis at Egyptians paano itong prosesong ito kasi ayaw din nilang lumabas iyong Hamas, lumabas ng Gaza at pumasok ng Egypt,” pahayag ni de Vega.
Paliwanag ni de Vega, inaayos na ng mga awtoridad ang border arrangement at batay sa sinabi ng Israeli ambassador ay posibleng ngayong araw bubuksan ang border.
“Isang problema po iyan. So inaayos pa nila ‘yung border arrangements. Pero tignan natin ito kasi sabi ng Israeli ambassador, it could be any day now,” dagdag ng opisyal.
Sa tala ng DFA, 92 sa 135 Pinoy sa Gaza na naipit sa bakbakan ang humiling na maibalik sa bansa sa lalong madaling panahon.
Ulat ni Baronesa Reyes