Dumepensa ang Malacañang sa kritisismo ng mga netizens sa hindi pagdedeklara ng Malacanang bilang special non-working holiday ang EDSA People Power Revolution anniversary sa taong 2024.
Katwiran ng Palasyo: Pumatak kasi ito sa araw ng Linggo.
Sa Proclamation No. 368 na inilabas ng Palasyo noong Miyerkules, Oktubre 11, wala sa listahan ang EDSA People Power Revolution anniversary bilang special non-working holiday.
Matatandaang sa nakalipas na mga taon, bago naupo sa Malacanang ang anak ng namayapang diktador na si Ferdinand R. Marcos Jr., hindi nawala sa listahan ng special non-working day ang EDSA People Power kung saan ginugunita ang pagbagsak ng rehimeng Ferdinand Edralin Marcos Sr. noong Pebrero 25, 1986.
“The Office of the President maintains respect for the commemoration of the EDSA People Power Revolution. However, it was not included in the list of special non-working days for the year 2024 because February 24 falls on a Sunday,” ayon sa kalatas ng Presidential Communications Office (PCO).
“There is minimal socio-economic impact in declaring this day as a special non-working holiday since it coincides with the rest day for most workers and laborers,” dagdag pa ng PCO.
Noong isang taon, “inihabol” ang naturang special non-working holiday sa proklamasyon ng mga pista opisyal at araw na mga walang pasok ang EDSA People Power anniversary na nagdulot ng kalituhan sa mga mamamayan.