Nasa ₱150,000 ang singil diumano ng mga tiwaling kawani ng Bureau of Immigration sa bawat blacklisted traveler na gustong pumasok at lumabas sa bansa, pagbubunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
“May info kami na sa blacklisted persons na nakaka-travel in or out (of the country), ₱150,000 na ang presyo ng escort,” ani Remulla sa isang press conference kahapon, Oktubre 12.
Nauna nang sinabi ni Remulla na tila mala-“pastillas scheme” ang “hanapbuhay” ngayon ng ilang corrupt na tauhan ng Bureau of Immigration (BI), na kung saan tinutulungan ng mga ito ang mga dayuhang may problema sa kanilang passport at visa na makapaglabas-pasok sa ating mga paliparan, kapalit ng naturang halaga.
Matatandaang noong 2020 nang pumutok ang “pastillas scheme” na kung saan naging modus operandi ng ilang BI personnel na humingi ng “padulas” mula sa Chinese nationals na gustong pumasok sa bansa nang walang background check.
Pinaiimbestigahan na ni Remulla sa National Bureau of Investigation (NBI) ang naturang modus.
-May ulat ni Dindo Flora