Mas dumarami ang batang nagugutom ngayon sa buong mundo dulot ng mataas na inflation rate at cost of living, ayon sa pinakahuling survey ng World Vision International.
Sa survey na isinagawa sa 16 na bansa, kasama na ang Pilipinas, sinasabing malaking factor ang patuloy na pagsipa ng inflation rate, sa pagdami ng mga batang nagugutom ngayon, ayon sa World Vision International. Isinagawa ang naturang survey, ng survey firm na Ipsos para sa World Vision na sinagutan ng 14,000 respondents mula sa Australia, Bangladesh, Brazil, Britain, Canada, Germany, Japan, Mexico, Peru, Pilipinas, South Korea at US.
Sa naturang commissioned survey, nakitang 59 porsiyento ng mga magulang ang nangangamba kaugnay ng kagutuman at malnutrisyon na nararanasan ng kanilang pamilya, partikular ang kanilang mga anak, habang 46 porsiyento ang nag-aalala sa kung saan nila kukunin ang perang pambili ng kanilang makakain.
Natuklasan din sa survey na 37 porsiyento ng mga magulang na tinanong ang nagsabing bigo ang kanilang mga anak na makakuha ng wastong nutrisyon araw-araw samantalang 21 porsiyento ang nagsabing nakaranas ang kanilang mga anak ng pagkagutom sa nakalipas na buwan. Ayon pa sa survey, 38 porsiyento ng batang mula sa low-income countries ang natutulog nang gutóm, samantalang 18 porsiyento ng mga bata sa US ang natutulog din nang gutóm sa kanilang mga tahanan.
“Hunger is a global problem, and it isn’t limited to any one country or part of the globe,” ani Andrew Morley, pangulo ng World Vision International, sa isang pahayag.