Handa na ang Pilipinas magsagawa ng repatriation mission sa Gaza at Israel upang maibalik ang mga Pinoy na nais umiwas sa umiinit na bakbakan sa pagitan ng Israeli forces at militant group Hamas, ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega.
“Time is of the essence. Our embassies are ready to bring their team to the border,” giit ni de Vega sa isinagawang punong balitaan sa Malacanang.
Sinabi pa ni de Vega na base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., prayoridad ngayon ng DFA at iba pang ahensiya ng pamahalaan na gawin ang lahat upang ligtas na maibalik ang mga Pinoy sa Pilipinas na naiipit sa giyera sa pagitan ng Israel at Gaza.
Subalit mayroong isang malaking balakid na nakikita ni de Vega sa pagsasagawa ng repatriation mission: Ang mga Pinoy na naging asawa ng Palestinian na gusto nang umuwi kasama ang kanilang anak sa Pilipinas para makaiwas sa kaguluhan.
“Some of the spouses of Filipinos are Palestinians. We cannot guarantee what Israel and Egypt will decide. So, it will be a difficult decision like what happened in Ukraine,” sabi ni de Vega.
“If a Filipino woman will may have to leave, she would have to leave without her husband and go to the Philippines with their kids. But not with the husband,” giit niya.
Sa kasalukuyan, aniya, may 131 Pinoy ang nasa Gaza at 90 sa mga ito ang gusto nang bumalik ng Pilipinas.
Aniya, hinihintay na lang ng gobyerno ng Pilipinas ang go signal ng Israel at Egypt sa pagtatatag ng “humanitarian corridor” upang makatawid ang mga Pinoy mula sa Gaza, na inilagay na sa Alert Level 3 situation.
“Of course, it is needed for Israel to agree to a humanitarian corridor and It is also needed for Egypt to allow citizens to enter through their border, I am talking with our friends from Egypt about that,” ani de Vega.
“What is critical now is Gaza and let’s keep exploring all other possible exit options. If ever Israel conducts operations against Hamad targets, there will be civilian who will be among the casualties. We hope that no Filipino will be among the casualties,” ayon pa sa opisyal.