Naniniwala si Mar Valbuena, pangulo ng transport group Manibela, na lalabas ang katotohanan sa umano’y laganap na korapsiyon sa LTFRB sa isasagawang imbestigasyon ng Senado sa kabila ng pagkambiyo ng whistleblower na si Jeffrey Tumbado.
“Kahit bali-baliktarin po ang mundo, naniniwala po kami dun [sa lagayan],” giit ni Valbuena.
Bagamat aminadong ikinadismaya niya ang pagbaliktad ni Tumbado, na dating executive secretary ng suspendidong hepe ng LTFRB na si Teofilo Guadiz II, sa kanyang unang alegasyon na naguugnay sa matataas na opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa katiwalian, sinabi ni Valbuena itutuloy pa rin nila ang krusada para maungkat ang katiwalian sa ahensiya.
Sa panayam ng DZBB, sinabi ni Valbuena na noon pang Setyembre 25 ay nagsabi na sa kanya si Tumbado na ilalahad nito ang mga “lagayan” sa LTFRB at handa itong humarap sa ano mang imbestigasyon.
“Ang mali ko lang, hindi ko napa-notaryo ang kanyang mga salaysay subalit mabibigyang linaw pa rin yan sa (imbestigasyon ng) Senado,” giit ni Valbuena.
Sinabi pa ng transport lider na nag-message sa kanya si Tumbado upang humingi ng paumanhin sa kanyang pagkambiyo kung saan dinahilan nito ang banta sa kanyang buhay at kanyang ina na may karamdaman.